Inihirit ni Albay Public Safety and Emergency Management Office Chief Cedric Daep sa Kongreso ang pagpasa ng batas para sa permanenteng relocation site ng 3,000 pamilyang apektado ng pag-a-alburuto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Daep, dapat ideklarang no-settlement area ang 6 kilometer danger zone ng Mayon na kina-kategorya bilang isang “sudden natural hazard” dahil sa biglaang pag-a-alburoto nito nang walang indikasyon o alerto.
Wala naman anyang makapagsasabi kung kailan sasabog o mag-a-alburoto ang bulkan kaya’t maiging ideklara na ng permanent 6 kilometer danger zone bilang “no-settlement zone” upang maiwasan ang trahedya.
Halimbawa na lamang nito ay noong Pebrero a-tres, taong 1993 kung saan nagkaroon ng phreatic explosion na ikinasawi ng 77 katao at ikinasugat ng mahigit isandaang iba pa.