Tuluyan nang na-kontrol ng Iran ang Persian Gulf at Strait of Hormuz, ang pangunahing shipping route ng mga oil tanker na papasok at palabas ng Middle East.
Ito ang inihayag ni Iranian Revolutionary Guards-Navy Commander, General Ali-reza Tangsiri sa gitna ng kanilang military drills sa nasabing waterway.
Una ng nagbanta ang Iranian government na ipasasara nila ang Strait of Hormuz bilang ganti sa pagpapataw ng US ng economic sanction kung saan pinagbawalan ang Iran na mag-benta ng mga produktong petrolyo sa international market.
Iginiit ng Iran na kung hindi tatanggalin ng Amerika ang sanction na resulta ng nabulilyasong nuclear deal ay mapipilitan silang harangin ang lahat ng papasok at lalabas na oil tanker sa Middle East.
Dahil dito, nanganganib maapektuhan ang oil trade sa buong mundo lalo’t dumaraan sa Hormuz ang mga tanker ng numero unong oil exporter na Saudi Arabia, Kuwait, United Arab Emirates at Qatar.
—-