Sobrang galit ang nakikitang motibo ng Bulacan PNP sa pagpatay sa isa sa mga persons of interest sa Bulacan massacre case.
Ayon kay Supt. Fitz Macariola, officer in charge ng San Jose del Monte Bulacan PNP, nakakagulat ang pagkamatay ni Ronaldo Pacinos alyas Inggo.
Nagtamo anya ito ng limang saksak sa dibdib, pinutol ang limang daliri at binigti pa ng fan belt.
Sa ngayon, sinabi ni Macariola na wala pa silang basehan para sabihing konektado sa Bulacan massacre ang pagkamatay ni Pacinos dahil hindi pa nila ito itinuturing na suspek.
Matatandaan na itinuro ng suspek na si Carmelino Ibañez si Pacinos at isang alyas Tony na anya’y kasabwat niya sa pagpatay sa lima kataong miyembro ng isang pamilya sa North Ridge Royal Subdivision San Jose del Monte Bulacan.
“Wala pa kaming makitang suspek pero nakikita natin sa mga tinamong injuries na talagang malaki ang galit ng mga taong gumawa nito sa kanya.” Ani Macariola
Samantala, sinabi ni Macariola na limang kaso ng murder at dalawang kaso ng rape ang isinampa nilang kaso laban kay Ibañez.
Maliban sa pag-amin ni Ibañez, may hawak na rin anya silang isang testigo at nasa proseso ng paghahanap ng pisikal na ebidensya.
“Ang testigo po natin na makakapag-link kay Carmelino Ibañez sa crime scene ay meron na po tayo, yan po ang ating pinag-iigihan na makahanap pa ng iba, maliban pa sa testigo doon din sa materyal na ebidensya na magsasabing ito talagang si Carmelino ay nasa crime scene.” Pahayag ni Macariola
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
‘Person of interest’ sa Bulacan massacre natagpuang patay was last modified: July 5th, 2017 by DWIZ 882