Natukoy na at nasa kamay na ng Philippine National Police ang mga “person of interest” sa pamamaril kay Albuera, Leyte Mayoral Candidate Kerwin Espinosa.
Ayon kay Philippine National Police Spokesperson Brigadier Gen. Jean Fajardo, kabilang sa mga itinuturing na POI ang pitong pulis mula sa Ormoc City.
Sinabi ni Brig. Gen. Fajardo na naabutan ang mga nasabing pulis sa isang compound malapit sa pinangyarihan ng insidente, ang kaparehong lugar kung saan sinasabing nagmula ang putok ng baril.
Dagdag pa ng PNP Official na isang SUV ang mabilis na tumakas patungo sa compound matapos ang pamamaril at nang sundan ito ng mga otoridad ay tumambad sa kanila ang pitong armadong pulis.
Maaari aniyang sniper ang ginamit ng suspek sa pag-atake kay Espinosa.
Samantala, ayon kay PRO-8 Public Information Office Chief Police Major Analiza Armeza, nasa mabuting kondisyon na sina Espinosa, Vice Mayoral bet nito na si Mariel Espinosa Marinay, at isang menor de edad na nadamay rin sa pamamaril.—sa panulat ni John Riz Calata