Naglabas na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng larawan at wanted poster ng sinasabing suspek na pumatay sa broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid noong October 3 sa Las Piñas City.
Ayon kay NCRPO Chief Police Brigadier General Jonnel Estomo, nakita ang person of interest sa pamamagitan ng pag-backtrack sa CCTV footage mula sa ruta ng biktima bago mangyari ang krimen.
Itinaas na rin sa 1.5 million pesos mula sa 500,000 pesos ang iniaalok na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng hindi pa rin nakikilalang suspek.
Nabatid na mula ang karagdagang cash reward sa mga kaibigan ng biktima at concerned citizens.
Sinabi pa ng hepe na mula kay Interior Secretary Benjamin Abalos ang inisyal na pabuyang 500,000 pesos kapalit ng impormasyon ng nasabing suspek.
Samantala, tiniyak ni Estomo ang kaligtasan at seguridad ng sinumang informant.