Target ng mababang kapulungan ng Kongreso na maibaba ang personal income tax sa Enero 2017.
Ayon kay House Deputy Speaker Miro Quimbo, ang kailangan lamang namang gawin ay iakma sa inflation ang binabayarang buwis ng mga ordinaryong empleyado tulad ng mga guro.
Pinuna ni Quimbo na nailagay sa mas mataas na income bracket ang mga guro makaraang maitaas sa 18,000 ang kanilang sahod.
Lumaki anya ang bayaring buwis ng mga guro gayung halos sa numero lamang tumaas ang kanilang sahod dahil nagmahal naman ang mga bilihin at gastos ng isang pamilya.
Binigyang diin ni Quimbo na isa sa mga prayoridad ng Kamara ang pagpapababa sa personal income tax upang mabigyan naman ng katarungan ang mga nagbabayad ng buwis.
Batay anya sa datos, 16 na porsyento lamang ang mga awtomatikong nagbabayad ng buwis dahil sa withholding tax samantalang ang 84 na porsyento ay mga negosyante na walang katiyakang nagbabayad ng buwis o kaya naman ay minimum wage earners na exempted sa pagbabayad ng buwis.
By Len Aguirre