Umaaray na ang mga magsasaka ng tabako sa rehiyon ng Ilocandia dahil sa pinsalang idinulot ng sunud-sunod na mga pag-ulan dala ng hanging amihan.
Ayon kay National Tobacco Administrator Robert Seares Jr, tinatayang aabot sa P81 milyong piso ang halaga ng napinsala na katumbas ng mahigit sa isanlibong ektaryang taniman ng tabako.
Dahil dito, aabot sa animnaraang magsasaka mula sa walong bayan na nagtatanim ng tabako tulad ng Abra, Isabela at Cagayan ang apektado ng pagkalugi.
Pagtitiyak naman ni Seares, bibigyan nila ng tulong pinansyal ang mga apektadong magsasaka upang makabawi sa kanilang pagkalugi at magamit sa kanilang muling pagbangon.