Pinayuhan ng MRT-3 ang mga pet lover na iwasang sumabay sa peak hours kung sasakay sa tren kasama ang kanilang mga alagang hayop, tulad ng aso o pusa.
Ito, ayon kay Engineer Michael Capati, General Manager ng MRT-3, ay para na rin sa kapakanan ng mga pet lover at ng kanilang mga alagang hayop.
Bagaman hindi anya nila binabawalan na sumakay, mas makabubuti pa ring pumili ng oras na hindi masikip upang maging maginhawa ang pagbiyahe.
Idinagdag pa ni Capati na marami namang tren kaya’t sa kanyang palagay ay hindi magkakaroon ng problema at kung puno na ang mga bagon ay maaari namang maghintay ng kasunod para maiwasan ang siksikan.
Tiniyak naman ng railway official na walang dapat ipag-alala ang mga pasaherong mayroong allergy sa mga balahibo ng mga hayop dahil dini-disinfect ang mga tren.