Nanindigan ang dating tauhan ni Kerwin Espinosa na si Marcelo Adorco na ang negosyanteng si Peter Lim alyas Jaguar ang kanilang supplier ng iligal na droga o shabu sa Visayas.
Sa apat na pahinang sinumpaang salaysay ni Adorco, aabot umano sa mahigit kalahating tonelada o kabuuang 560 kilo ng shabu ang isinuplay ni Lim sa self-confessed druglord na si Espinosa.
Nagsimula umano ang transaksyon nina Lim at Kerwin noong 2012 at tumagal noong 2015 kung saan tig-apat na transaksyon ang nangyari sa bawat taon.
Noong 2012, tig-20 kilo ng droga sa bawat transaksyon ang isinuplay umano ng negosyante mula Cebu, noong 2013 ay tumaas na ang transaksyon sa tig-30 kilo.
Taong 2014 naman ay tig-40 kilo at umakyat na sa tig-50 kilo ng shabu, noong 2015 at ang lahat ng transaksyon ay nangyari umano sa cash and carry.