Handang sagutin ng pamilya ng hinihinalang drug lord na si Peter Lim ang mga akusasyon ng Department of Justice o DOJ na may kaugnayan umano sa kakalakan ng iligal na droga ang negosyante.
Ayon kay Caryl Lim “malisyoso at kasinungalingan” ang mga alegasyon laban sa kanyang ama at pamilya lalo’t wala pa namang inilalabas na matibay na ebidensya na sangkot sila illegal drugs trade.
Bukas aniya ang kanilang pamilya sa imbestigasyon ng DOJ upang malinis ang pangalan ng kanilang ama mula sa mga akusasyon.
Magugunitang ipina-subpoena ng kagawaran ang nakatatandang Lim at ipinag-utos na sagutin ang mga paratang.
Bukod sa negosyante, ipinatatawag din ng Justice department sina Kerwin Espinosa, Peter Co, Marcelo Adorco, Max Miro, Lovely Adam Impal, Ruel Malindangan at Jun Pepito.
Naglabas rin ng babala ang DOJ sakaling hindi makadalo sa itinakda nilang preliminary investigation laban sa tinaguriang bigtime drug lord ng Visayas na si Peter Lim at iba pa.
May kaugnayan ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o and Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isinampa laban kina Lim dahil sa pagpasok nila sa talamak na kalakalan ng iligal na droga.
Ayon sa DOJ, kung hindi sila makadadalo ay ang mga piskal na ang magreresolba sa reklamo batay na rin sa mga dokumentong isinumite ng PNP CIDG o Criminal Investigation and Detection Group.
Sakali namang makadalo sa ipinatawag na pagdinig, kinakailangang makapagsumite ng mga respondent ng kanilang kontra salaysay ngunit hindi sila papayagang makapaghain ng motion to dismiss.
By Drew Nacino / Jaymark Dagala /(Ulat ni Bert Mozo)