Nagtakda na ng oral arguments ang Korte Suprema sa petisyon ng anim na opposition senators na sina Francis Pangilinan, Franklin Drilon, Paolo Benigno “Bam” Aquino, Leila De Lima, Risa Hontiveros at Antonio Trillanes na kumukwestiyon sa pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court o ICC.
Itinakda ang oral arguments sa Hulyo 24, ganap na alas-2:00 ng hapon sa Supreme Court session hall.
Binigyan din ng Korte Suprema ang mga respondent na kinabibilangan nina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, Executive Secretary Salvador Medialdea, Philippine Permanent Representative to the United Nations Teodoro Locsin at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ng sampung araw nang walang palugit.
Ito’y upang magsumite ng komento kaugnay ng inihaing petisyon ng mga petitioner.
Nauna ng nagpasya si Pangulong Duterte na kumalas sa ICC ang Pilipinas makaraang ianunsyo ng isa sa mga court prosecutor noong Pebrero na sinimulan na ang preliminary examination sa reklamong crimes against humanity na inihain laban sa kanya ng ilang kritiko dahil sa madugong drug war.
—-