Pormal nang inihain sa Commission on Elections (COMELEC) ang petisyon laban kay senatorial aspirant na si Sarangani Representative Manny Pacquiao.
Isinampa ito ni Former Akbayan Rep. Walden Bello kasunod ng magaganap na laban o boxing fight ni Pacquiao sa Abril 9 laban kay Timothy Bradley kung saan una nang sinabi ni Bello na sana ay i-postpone ni Pacquiao ang kaniyang laban at i-move na lamang pagkatapos ng halalan sa Mayo 9.
Paglilinaw ni Bello, inihain niya ang petisyon hindi para tuluyang ipa-disqualify si Pacquiao sa pagtakbo sa pagka-senador.
At sa halip, layunin lamang aniya nitong imungkahi sa COMELEC na pag-aralan ang sitwasyong kinahaharap ng boksingerong mambabatas.
Una rito, binalaan na ni Bello si Pacquiao na maghahain ito ng disqualification case laban dito kung hindi nito iuurong ang kanyang laban.
Ayon kay Bello, fan siya ni Manny Pacquiao kaya lang sana aniya ay maintindihan nito na siya ay isang senatorial candidate at ang election laws ay dapat mai-aplay sa lahat.
COMELEC
Tiniyak naman ng COMELEC na masusi nitong pag-aaralan ang inihaing petisyon laban sa Pambansang Kamao.
Magugunitang nababahala si Bello dahil makaaapekto aniya sa kampanya at kandidatura ni Pacquiao ang kaniyang laban kay Timothy Bradley sa Abril 9 at posibleng paglabag aniya ito sa itinakdang campaign limits sa airtime ng mga kandidato sa eleksyon sa Mayo.
Kaugnay nito, binigyang diin ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na bubusisiin ng COMELEC en banc ang petisyon ni Bello.
Lalo’t magandang oportunidad aniya ito upang linawin kung may kinakailangan bang clarification sa kaso ni Pacquiao, partikular ayon kay Jimenez ang tungkol din sa probisyon ng Fair Election Act.
Samantala, bago ito ay una na ring sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na sisiyasatin nila ang kasong ito sakaling may maghain ng petisyon sa COMELEC bagay na ginawa na ni Bello.
By Allan Francisco