Nakatakdang dinggin ng Quezon City Regional Trial Court (QC-RTC) ang petisyon na naglalayong itigil ang pagpapatupad ng direktiba ng Department of Health (DOH) na mabakunahan ang edad lima hanggang labing isa laban sa COVID-19 nang walang pahintulot mula sa mga magulang sa pamamagitan ng video conference, bukas Pebrero 8 ng alas-2 ng hapon.
Batay sa notice of hearing na inilabas ni Judge Primo Sio Jr. ng RTC branch 96 noong Pebrero 3, ang pagbabakuna sa mga nasabing menor-de-edad ay ipinagpaliban noong Biyernes dahil sa pagkaantala ng vaccine supply.
Ngunit nang dumating sa bansa ang mga bakuna’y inihayag ng DOH na itutuloy nito ang pagbabakuna ngayong araw sa mga piling lugar sa National Capital Region (NCR), at kalaunan ay sa ibang bahagi rin ng bansa.
Ang petisyon na inihain ng dalawang magulang na sina Girlie Samonte at dating television reporter na si Dominic Almelor ang humiling sa RTC na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) o writ of preliminary injunction laban sa department memorandum no. 2022-0041 ng DOH.
Samantala, kabilang sa mga pinangalanang respondent sa petisyon ay sina health secretary Francisco Duque III, health undersecretary Maria Rosario Vergeire at ang DOH public health services team.—sa panulat ni Airiam Sancho