INIHAYAG ng mismong ng dekano ng prestihiyosong University of Santo Tomas (UST) College of Law na si Atty. Nilo Divina na tila mabibigo ang pagtatangka ng ilang puwersa na maalis sa listahan ng mga tatakbo sa pagka-pangulo sa 2022 elections si dating Sen. Bongbong Marcos dulot ng umano’y kawalan ng merito.
“Sa nakikita ko, ang petisyon na kanselahin ang CoC [Certificate of Candidacy] ni BBM ay tiyak na guguho sa kapag nasuri ng Comelec [Commission on Elections] dahil mukhang depektibo sa anyo at kulang ang legal na basehan para sa gusto nitong mangyari,” wika ni Divina.
Ang law expert ng prestihiyosong Katolikong unibersidad at pinuno ng bantog na Divina Law Office ay napansin na imbes na maglabas ng mga makatotohanang pahayag o legal na basehan upang suportahan ang kanilang bintang laban kay Marcos, ang salaysay ng 57-pahinang petisyon ay naglalaman lamang ng pang-aalipusta sa pamilyang Marcos.
“Ito’y ad hominem, o atake laban sa karakter ng respondent na maaaring magpahina sa posisyon ng petitioners. Ang batas palagi ang siyang mahalaga. Ngunit, ang intensiyon ng panawagan ng batas ang siyang magbibigay-katwiran o ikakasablay nito,” diin pa ni Divina.
Pangalawa si Divina sa mga legal luminaries mula sa mga presithiyosong law universities na nagpahayag ng opinyon na hindi sang-ayon sa petisyon na naglalayong kanselahin o i-deny ang CoC ni BBM dahil lamang nabigo itong mag-file ng Income Tax Returns o ITR sa panahong pilit na ginugulo ang administrasyon ng kanyang ama.
Matatandaang nagpahayag din ng kanyang paniniwala si Ateneo University law expert at dating Justice Secretary Alberto Agra na ang petisyon na inihain sa Comelec laban kay Marcos ay walang basehan at malamang na hindi uusad.
Sinabi ni Agra na malinaw na nakasaad sa Omnibus Election Code na si Marcos ay kwalipikadong tumakbo sa darating na halalan dahil wala siyang mga pagkukulang sa kanyang isinumiteng CoC.
“Nakalagay sa Omnibus Election Code natin na kailangan ay hindi convicted. Ibang termino ang nakalagay sa batas. Ang nakalagay sa batas ay kailangan sentenced, may final judgment of imprisonment. Ang nangyari nang binasa ko ang kaso, wala si presidentiable BBM, hindi siya sentenced to imprisonment. Guilty siya to pay fine,” paliwanag pa ni Agra.