Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng isang nurse na kumukuwestiyon sa ipinatupad na travel ban ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) laban sa overseas Filipino workers.
Batay sa desisyon ng Supreme Court En Banc, binanggit na wala nang saysay o moot & academic na ang petisyon ng isang Aiza Felipe dahil tinanggal na ng POEA ang deployment ban laban sa nurses kahit limitado lamang ang bilang ng mga ito.
Sa kanyang petisyon, binigyang-diin ni Felipe na bukod sa malalabag ang nilagdaan nilang kontrata sa kanilang mga employer ay labag din sa Equal Protection Clause, right to travel, at right to work overseas ang inilabas na memorandum circular ng POEA.
Giit ng mga mahistrado, maliban sa wala itong inilakip na certification of non-forum shopping sa kanyang petisyon, ay hindi rin nilinaw ni Felipe kung paano nalabag ang mga karapatan niya at kung paano naging balakid ang kautusan ng POEA sa kanyang contractual obligations.—sa panulat ni Hya Ludivico