Ibinasura ng Manila Regional Trial Court Branch 19 ang proscription case ng Department of Justice na naglalayong ideklara ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army bilang mga teroristang grupo.
Sa 135 pahinang resolusyon ni presiding Judge Marlo Magdoza-Malagar, sinabi nito na ang pagsusuri sa programa ng CPP-NPA ay nagpapakita na ito ay inorganisa hindi para sa layuning sumali sa terorismo.
Ipinunto ng Korte na bagaman kaakibat na ng armadong pakikibaka ang karahasan, ito lamang ang aprubadong paraan upang makamit ang layunin ng CPP-NPA, at magkaiba anya ang ‘means’ o paraan sa ‘purpose” o layunin.
Ipinaliwanag din sa resolusyon na iba ang terorismo sa rebelyon, na nag-ugat sa pagkadismaya sa umiiral na sistema ng gobyerno na sa tingin ng iba ay hindi patas sa nakararami at pumapabor lamang sa iilan.
Tinukoy ng Korte ang terorismo bilang paghahasik ng malawakan at matinding takot sa nakararami upang mapuwersa ang pamahalaan na paboran ang isang hiling na sa tingin nito’y labag sa batas.
Inihain ng Department of Justice ang proscription case noong 2018 na naglalayong ideklara ang CPP-NPA bilang isang teroristang grupo sa ilalim ng Section 17 ng Human Security Act of 2007.
Samantala, inihayag ni DOJ spokesman Mico Clavano na pag-aaralan muna ng kagawaran ang desisyon. —ulat mula kay Aya Yupangco (Patrol 5)