Ini-raffle na sa 2nd division ng COMELEC ang disqualification case na inihain ng grupong Pudno Nga Ilocano o Totoong Ilocano laban kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Inihayag ni COMELEC Spokesman James Jimenez na magtatakda na ng preliminary conference ang nasabing dibisyon na binubuo nina Commissioners Socorro Inting at Antonio Kho Jr., na kapwa appointees ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Disyembre a–syete nang ihain ng grupo sa pangunguna ng legal counsel nitong si dating COMELEC Chairman Christian Monsod, ang ika-apat na disqualification case laban sa kandidatura ni Marcos sa 2022 presidential elections.
Ang mga petitioner ay binubuo nina Margarita Salonga Salandanan, Crisanto Palabay, Mario Flores Ben, Danilo Austria Consumido, Raoul Hafalla Tividad, Nida Mallare Gatchallan at Nomer Calulot Kuan.
Sa kanilang petisyon, tinukoy ng grupo ang conviction sa mga kaso ng dating senador kaugnay sa kanyang kabiguang mag-file ng income tax returns bilang gobernador noon ng Ilocos Norte para sa taxable years 1982 hanggang 1985 at magbayad ng deficiency taxes.
Samantala, nilinaw naman ni Jimenez na hindi maka-aapekto sa resolusyon ng mga kaso laban kay Marcos ang nakatakdang pagreretiro ni COMELEC Chairman Sheriff Abas at Commissioner Rowena Guanzon sa Pebrero.