Iginiit ng kampo ni Senadora Leila De Lima ang kanilang motion to quash dahil sa kinukwestyon nilang hurisdiksyon ng RTC o Regional Trial Court sa mga kaso ng senadora.
Sa ikalawang araw ng oral arguments kaugnay ng petisyon ni De Lima, muling humarap ang kanyang abugado na si dating Solicitor General Florin Hilbay sa mga mahistrado ng Korte Suprema at nanindigan sa karapatan ng senadora para sa buhay, kalayaan, at pag-aari alinsunod sa due process of law.
Ayon kay Hilbay, mas dapat na bigyang pansin ng Korte Suprema ang aniya’y walang basehang hurisdiksyon ng RTC sa mga kaso ng senadora kaysa ang umano’y probable cause na aniya’y ipinipilit ni Muntinlupa RTC Judge Juanita Guerrero na siyang nagpaaresto kay De Lima.
Kampo ni De Lima nagmamadaling iakyat sa korte ang petisyon – Mga Mahistrado
Pinuna ng mga mahistrado ang anila’y tila pagmamadali ng kampo ni Senadora Leila De Lima na iakyat sa Korte Suprema ang kanilang petisyon.
Ayon kay Associate Justice Noel Tijam, nababahala siya sa tinatawag na undue haste o pagmamadali sa panig ni De Lima na dumulog sa kataas-taasang hukuman para kwestyunin ang hurisdiksyon ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204 sa kasong inihain laban sa kanya ng Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni Tijam, nagpapahiwatig ito ng kawalan ng tiwala ni De Lima sa magiging desisyon ni Muntinlupa RTC Judge Juanita Guerrero sa kanyang motion to quash.
Paalala ni Tijam, ang pagsilbihan ang hukuman ang pangunahing tungkulin ng mga abugado at hindi ang kanilang kliyente.
Tugon naman ng abugado ni De Lima na si dating Solicitor General Florin Hilbay, sa hustisya dapat magsilbi silang mga abugado.
Samantala, nababahala rin ang mga mahistrado ng Korte Suprema na lumikha si Senadora Leila De Lima ng tinatawag na dangerous precedent at posible anilang malapastangan ang legal procedure sa iba pang kaso sa hinaharap.
Sa ikalawang araw ng oral arguments para sa petisyon ni De Lima na ibasura ang arrest warrant laban sa kanya, binigyang diin ni Associate Justice Marvic Leonen na dapat tumalima si De Lima sa judicial process.
Kabilang na rito ang pagsunod sa Hierarchy of Courts at sa doktrina laban sa forum shopping o ang pagpili ng korte kung saan posibleng maging paborable ang desisyon.
By Avee Devierte |With Report from Bert Mozo