Ibinasura ng Court of Appeals ang petisyon ng Volunteer Against Crime and Corruption na humihiling na ipahinto ang conversion ng makasaysayang Army and Navy Club sa Maynila bilang isang Boutique Hotel and Casino.
Sa anim na pahinang resolusyon ni Associate Justice Ramon Garcia, ipinunto ng 15th division ng CA na lumabag sa prinsipyo ng hierarchy of courts ang VACC.
Ayon sa appellate court, bagaman mayroon din silang kapangyarihan na mag-issue ng petition for certiorari, pinapayagan lamang ang paghahain nito kung mayroong mabigat na dahilan.
Kung susundin ang hierarchy ay sa Regional Trial Courts muna isinampa ang petisyon ng VACC at hindi rin kumbinsido ang CA na may mabigat na dahilan upang hindi tumalima sa hierarchy of courts ang petitioner.
Tinukoy din ng appellate court na ang lease contract na pinasok ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa Oceanville Hotel and Spa corporation na magtatayo ng casino sa army and navy club maging ang pag-apruba ng National Historical Commission sa proyekto ay hindi maituturing na judicial at quasi-judicial o ministerial action upang mabigyang katuwiran ang paghahain ng petisyon.
By: Drew Nacino / Bert Mozo