Nakatakdang talakayin ng Korte Suprema bukas, ang inihaing petisyon ni Senador Antonio Trillanes IV laban sa Proclamation Number 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapawalang bisa sa ipinagkaloob na amnestiya sa senador.
Batay sa isang source, na-iraffle sa sala ni Associate Justice Diosdado Peralta ang petisyon ni Trillanes.
Kabilang umano sa magiging agenda ng mga mahistrado sa kanilang regular full session ang posibleng pagpapasiya sa hiling na TRO o temporary restraining order ng kampo ni Trillanes o ang paghingi ng komento sa mga respondents ng petisyon.
Samantala, inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Carlito Galvez na kanila munang hihintayin ang magiging pasya ng Korte Suprema sa ihinahaing petisyon ni Trillanes bago ipagpatuloy ang court martial laban sa senador.
Kasunod na rin aniya ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya ipaaaresto si Trillanes hangga’t walang ipinalalabas na warrant of arrest laban dito.
Kasabay nito tiniyak ni Galvez na nananatiling nagkakaisa, matibay at tapat sa konstitusyon ang AFP.
Kanya na rin aniyang pinaalalahanan ang mga sundalo at miyembro ng AFP na iwasang makibahagi sa pulitika.
Supporters
Samantala, patuloy naman ang vigil ng mga grupong sumusuporta kay Senator Antonio Trillanes.
Kahapon ay ilang programa ang isinagawa ng Liberal Party at grupong Tindig Pilipinas maging ng iba pang tagasuporta ni Trillanes na mahigit isang linggo nang nagtitipon sa labas ng Senado.
Bago nito ay humarap ang senador sa media at iginiit na wala siyang planong lumabas ng Senate building o sumuko sa mga awtoridad.
Ipinakita rin ni Trillanes ang mga listahan ng mga batas at proyekto na kanyang naipasa at isinulong.
Magugunitang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation 572 na nagpawalang-bisa sa amnesty na iginawad kay Trillanes noong 2011 dahil sa pagkakasangkot sa tangkang pagpapabagsak sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.—Drew Nacino
—-