Kinumpirma mismo ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting na naghain na ng petisyon si Vice President Sara Duterte para kwestyunin ang bisa ng impeachment process na sinimulan ng Kamara.
Inihain ng Bise-Presidente ang petition for temporary restraining order at writ of preliminary injuction laban sa kanyang impeachment case.
Kinwestyon ni VP Sara ang validity at constitutionality ng ika-apat na impeachment complaint na tinransmit ng House of Representatives.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, hindi na-transmit ni House Secretary General Reginald Velasco ang unang tatlong impeachment sa Kamara kay House Speaker Martin Romualdez ngunit in-endorso ng Kamara sa Senado ang ikaapat na reklamo noong February 05.
Ang pag-freeze aniya ng kamara sa unang tatlong reklamo ay pagpapakita ng grave abuse of discretion.
Hiniling ng Bise Presidente sa Korte Suprema na isantabi ang ikaapat na impeachment complaint at ideklara na applicable ang one year bar mula sa pagsasampa ng unang impeachment complaint, o noong December 2, 2024.
Nabatid na pumirma si dating Pangulong Rodrigo Duterte, bilang abogado ng anak na si Vice President Duterte sa petition for certiorari and prohibition.
Pirmado ni dating Pangulong Duterte ang 36 na pahinang petisyon, kasama ang limang iba pang abugado. – Sa panulat ni Laica Cuevas