Naghain ng petisyon sa LTFRB ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) ukol sa labing limang pisong (P15) minimum na pasahe sa mga jeep bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo.
Iginiit ni LTOP President Orlando Marquez, na hindi na sapat ang kinikita ng mga tsuper at operator sa pamamasada kung saan gusto rin nilang mabigyan ng tatlong beses sa isang araw na pagkain ang kanilang pamilya at ayaw nilang mamatay sa gutom.
Alam rin niya ang posibleng epekto ng nasabing taas-pasahe pero kailangan aniyang maghanapbuhay ang mga jeepney operator at driver.
Matatandaang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa ikasiyam na sunod na linggo noong March 1, 2022. – Sa panulat ni Airiam Sancho