Isinumite na ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Kamara kahapon ang petisyong nananawagang taasan ang sahod ng mga nagtatrabaho sa sektor ng edukasyon.
Sa bisperas ng National Teachers Day, mahigit 57,000 teachers at non-teaching personnel ang lumagda sa petisyon upang suportahan ang House Bill 203 na layuning magbigay ng umento sa mga education worker.
Nakasaad sa petisyon na napag-iwanan na ang suweldo ng mga guro ng sahod ng mga Pulis at Sundalo na dinoble sa hindi bababa sa halos P30,000 noong 2018 habang noong sunod na taon ay itinaas din ang Entry-level Salary ng public nurses sa Salary Grade 15 o P35,000.
Sa ngayon anila ay naiwan ang suweldo ng mga guro sa hindi bababa sa Salary Grade 11 o P25,400 kada buwan.
Samantala, umapela ang ACT na itaas din ang minimum pay ng Public School Teachers sa S.G. 15.
Inihirit din ng grupong itaas ang minimum pay ng College instructors sa Local at State Universities at Colleges sa S.G. 16 o P38,150 at ng private school teachers sa P30,000 kada buwan.