Naghain ng petisyon para sa umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa National Capital Region o NCR ang ALU-TUCP o Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines.
Isandaan at walumpu’t apat na piso (P184) ang hiniling na dagdag sa minimum wage ng ALU-TUCP, mas mataas sa nauna nilang plano na 157 pesos.
Ayon kay Eva Arcos ng ALU-TUCP, ibinatay nila ito sa mga datos mula sa NWPC o National Wage and Productivity Commission.
Batay sa datos ng NWPC, malaki na ang ibinagsak ng purchasing power o kakayahang makabili ng mga manggagawang tumatanggap ng minimum wage.
Umaabot na lamang umano sa tatlong daan at limamput pitong piso (P357) ang tunay na halaga ngayon ng 491 pesos na minimum wage sa NCR batay sa itinaas ng presyo ng mga bilihin at pangunahing serbisyo.
Nakapaloob rin sa petisyon ng ALU-TUCP ang limandaang piso (P500) kada buwan na subsidy para sa mga minimum wage earners sa loob ng isang taon upang makatulong sa kanilang budget para sa pagkain at kalusugan.
Kasabay nito, umaasa ang ALU-TUCP na matutupad ang pangakong follow up meeting sa kanila ng Pangulong Rodrigo Duterte.
By Len Aguirre
Petisyon para sa umento sa sahod sa pribadong sektor inihain was last modified: May 26th, 2017 by DWIZ 882