Nilinaw ng kampo ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo na ang tinutukoy sa kanilang petisyon sa United Nations o UN ay ang pagkakakulong ng dating punong ehekutibo.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Atty. Larry Gadon, isa sa mga legal counsel ni GMA, na hindi kinukuwestiyon sa reklamo ang merito ng kasong plunder laban kay Arroyo.
Paliwanag ni Gadon, batay kasi sa international standards ng bail ay dapat i-determine kaagad ng hukuman kung ang isang akusado ay dapat payagang makapagpiyansa o hindi.
Iginiit din ng abogado na walang ebidensya na magdidiin kay Arroyo sa kasong pandarambong na may kaugnayan sa umano’y pagkakawaldas ng intelligence funds ng PCSO.
“Sapagkat ang prosecution witness mismo na iprinesenta ng prosecution ay nagsasabi na si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay hindi ang responsible officer dito sa PCSO fund.” Pahayag ni Gadon.
By Jelbert Perdez | Kasangga Mo Ang Langit