Pinag-aaralan na ng Korte Suprema na isalang sa oral argument ang isinampang petisyon ng mga tumututol sa martial law extension sa Mindanao.
Sa impormasyon na nakalap ng DWIZ patrol mula sa mapagkakatiwalaang source, sinabi nito na sa isasagawang Special En Banc ng mga mahistrado ng Supreme Court (SC) ngayong Martes, Enero 9, ay tatalakayin nila kung dapat bang isailalim sa argumento ang naturang usapin.
Nakatakda namang gumawa ng draft resolution sa kaso si Associate Justice Noel Tijam.
Kabilang din sa nakatakdang talakayin sa SC at En Banc ang consolidation ng magkaparehong petisyon na isinampa nina Albay 1st District Representative Edcel Lagman, mga human rights lawyer, militant lawmaker at progressibong organisasyon na naghain naman ng kahalintulad na petisyon, noong Lunes.
Una ng binigyan ng sampung (10) araw ng High Court ang mga respondent sa pangunguna ni Executive Secretary Salvador Medialdea upang magkomento sa isinamapang petisyon ng tinaguriang ‘Magic Seven Opposition Congressmen’ na kumukuwestyun sa pinalawig na batas militar sa Mindanao.