Hiniling ng grupong Alliance of Concerned Teachers o ACT sa Commission on Elections Comelec) na ibasura na ang petisyong naglalayong pigilan ang kanilang mga miyembro na magsilbi sa May 13 midterm polls.
Ayon kay ACT Secretary-General Raymond Basilio, “uninformed at malisyoso” ang petisyong inihain ng Tao Muna Party-list.
Una nang inihayag ni Tao Muna Secretary General Mohammad Fajardo na hindi dapat italaga ang mga ACT member bilang board of election inspectors dahil kabilang ang mga ito sa isang party-list group.
Wala anyang kaugnayan ang grupong ACT na binubuo ng mga guro, education worker at advocate sa ACT-Teachers party-list na kinakatawan ni Antonio Tinio at France Castro sa Kamara.
Naniniwala naman si Basilio na tinatangka ng Tao Muna Party-list na magpasikat sa publiko lalo’t target nitong makakuha ng puwesto sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
—-