Nakatakdang ihain ngayong araw ng mga transport group ang petisyon para sa dagdag P3 sa minimum na pasahe sa jeep bunsod pa rin ng walang patid na oil price increase.
Ayon kay Pasang Masda Vice President Jojo Martin, umaasa silang mapagbibigyan ng LTFRB ang kanilang hiling na ipako sa dose pesos ang minimum fare sa jeep.
Humingi naman ng pang-unawa si Altodap National President Boy Vargas sa mga mananakay dahil wala naman anyang ginagawang tulong ang gobyerno sa transportation sector partikular sa mga driver.
Gayunman, nilinaw ng Pasang Masda at Altodap na bukas naman silang panatilihin ang kasalukuyang pasahe kung mag-ro-rollback ang presyo ng krudo o magbibigay ng subsidiya ang gobyerno. —sa panulat ni Drew Nacino