Personal nang inihain ng grupo nina dating Education Secretary Bro. Armin Luistro at Atty. Howard Calleja sa Korte Suprema ang petisyon na kumukuwesityon sa legalidad ng bagong lagdang anti-terrorism act of 2020.
Unang isinumite ng grupo ang petisyon sa pamamagitan ng electronic filing noong weekend.
Nakasaad sa inihaing petition for certiorari at prohibition ng grupo ang kahilingang ipawalang bisa ng Korte Suprema ang hindi baba sa sampung section ng anti-terror law.
Ayon sa grupo, maituturing na malupit ang naturang batas kung saan mayroon itong probisyon na taliwas at magkakaroon ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng 1987 constitution.
Iginiit pa ng grupo, hindi dapat maging banta sa fundamental freedom ng mga payapang Filipino ang ginagawang paglaban ng pamahalaan sa terorismo.
Kaugnay nito, inihihirit ng grupo ang pagpapalabas ng tro o temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng anti-terrorism act of 2020.