Sinupalpal ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang PDP-Laban Cusi Faction matapos maghain ng petisyon sa COMELEC upang hilinging muling buksan ang filing ng Certificate of Candidacy para sa 2022 elections.
Ayon kay VACC President Arsenio “Boy” Evangelista, ang petisyon ay isang mapanlinlang na hakbang ng ilang tiwaling pulitikong kapit-tuko sa pwesto kapalit ng paghihirap ng mga Filipino.
Ito rin anya ay isang patunay na lantaran ang pagmanipula sa sistema ng pulitika sa gitna ng COVID pandemic na nararanasan ng bansa at matinding epekto sa ekonomiya ng Super Typhoon Odette.
Iginiit ni Evangelista na kahit hindi naman hinagupit ng kambal na trahedya, hindi pa rin balido ang petisyon ng pdp-laban cusi wing dahil itinakda ang deadline ng COC filing noon pang October 8, 2021.
Samantala, binigyang-diin ng VACC Chief na dapat panatilihing sagrado ang electoral process, na pundasyon at diwa ng demokrasyang tinatamasa ng bansa.