Sinuspinde na ng mga transport group ang kanilang petisyon na humihirit ng dagdag-pasahe, sa gitna ng patuloy na paglobo ng presyo ng oil products.
Ito, ayon kay Pasang Masda National Vice President Jojo Martin, ay dahil sa inaasahang P5,000 fuel subsidies na ilalabas ng gobyerno para sa mga jeepney driver.
Ang nasabing subsidiya ay para sa mga tsuper sa Metro Manila, regions 3 at 4, na i-re-release sa pamamagitan ng Pantawid Pasada card na inilarga sa kasagsagan ng fuel subsidy program noong 2018.
Isusumite anya nila sa gobyerno ang pangalan ng mga tsuper kasama ang kanilang requirements.
Una nang inihayag ng LTFRB na pinag-aaralan na nito ang posibilidad na magpatupad ng ikalawang sigwada ng cash at fuel subsidy programs para sa mga Public Utility Vehicle.—sa panulat ni Drew Nacino