Nakatakda nang dinggin ng Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB) ngayong araw ang mga petisyon ng mga transport group sa dagdag na minimum fare sa jeep sa gitna ng walang prenong oil price increase.
Marso pa nang ihain ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) at Alliance of Concerned Transport Organizations at 1-Utak sa LTFRB ang petisyon na 5 peso fare increase na magreresulta sa 15 pesos na pasahe kung aaprubahan.
Hiniling naman ng liga ng transportasyon at operators ng Pilipinas ang dagdag sais pesos.
Ayon sa board, inaasahan nilang magsusumite ang mga petitioner ng kailangang supporting evidence para sa kanilang mga petisyon.
Magugunitang binoycot ng LTOP, Pasang Masda, ACTO, ALTODAP at Stop and Go Transport Coalition ang mga naunang hearing para sa mga kahalintulad na petisyon dahil umano sa pagtanggi ng LTFRB na dinggin ang fare hike petitions.