Ibinasura ng Commission on Elections (COMELEC) 2nd division ang lahat ng inihaing interventions ng dalawang partidong nais palakasin ang kani-kanilang argumento hinggil sa pagkansela sa Certificate of Candidacy (COC) sa pagka-pangulo ni dating senador Bongbong Marcos sa 2022 elections.
Tinukoy ng COMELEC ang petition-in-intervention na inihain ni Rommel Bautista at siyam na iba pa para sa bahagi ng petitioners, maging ang inihain ni Reynaldo Tamayo Jr. at tatlo pa.
Kabilang na rito ang answer-in-intervention ng partido federal ng pilipinas sa parte naman ni marcos, hinggil sa petisyong inihain laban sa kanyang COC.
Isinumite ito ni Father Christian Buenafe at limang iba pa, batay sa apat na tax code violation convictions ng dating senador na basehan umano upang hindi payagan ang standard-bearer ng PFP sa pagtakbo sa susunod na halalan.
Iginiit ng poll body na inihain ng mga petitioner sa pangunguna ni Bautista ang kanilang petition-in-intervention sa petisyon na kanselahin ang COC ni Marcos noong November 8, 33 araw matapos ihain ng dating senador ang kanyang COC sa pagka-pangulo noong October 6 na lampas na sa required 25-day interval batay sa Omnibus election code.
Sa parte naman ng dating Ilocos Norte Governor, tinanggihan din ng COMELEC ang answer in–intervention na inihain ng PFP members base sa kabiguan na ibigay ito sa petitioners, na labag sa rule 12, section 2 ng COMELEC rules of procedure.