Wala umanong basehan ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Ito ang argumento ng mga petitioner na kontra sa pasya ni Pangulong Duterte sa gitna ng pagdinig ng Supreme Court sa naturang issue.
Ayon kay Atty. Romel Bagares ng Philippine Coalition for the International Criminal Court at Counsel, para sa mga petitioner, katuwaan at nagkataon lamang ang desisyon ng pangulo.
Ang mga petitioner ay sina senators Francis “Kiko” Pangilinan, Franklin Drilon, Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, Risa Hontiveros, Leila De Lima at Antonio Trillanes IV na nanindigang dapat din ipawalang bisa ang withdrawal ng Pilipinas sa ICC.
Ito, anila, ay dahil sa kawalan ng concurrence ng Senado sa pamamagitan ng two-thirds vote.
Ipinaliwanag ni Bagares na sa ilalim ng batas ay epektibo lamang ang mga tratado o international agreements sa oras na mapagkasunduan ng kahit two-thirds ng lahat ng senador.
Hindi aniya basta maaaring magpahayag ang executive department na kakalas ang Pilipinas sa ICC nang hindi lumalabag sa batas at kung gawin man ay paglabag ito sa separation of powers.
Disyembre 28, 2000 nang lumagda ang Pilipinas sa Rome Statute na niratipikahan at inendorso noong Agosto 2011 o sa panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
—-