Nilinis ni House Speaker Feliciano Belmonte ang pangalan ni Chief Supt. Raul Petrasanta, Hepe ng Central Luzon PNP sa alegasyong sangkot ito sa pagbenta ng AK-47 na mga armas sa New People’s Army.
Ayon kay Belmonte, inimbestigahan na noon ng House Committee on Public Order si Petrasanta at wala silang nakitang sapat na ebidensya na magpapatunay na nagbayad sa kanya ang mga npa para sa Russian-made assault rifles.
Napatunayan rin aniya sa imbestigasyon ng kamara na naging epektibo ang Oplan Katok Program na ipinatupad noon ni Petrasanta bilang hepe ng Firearms and Explosives Office ng PNP.
Una rito, lumiham si Belmonte sa Pangulong Noynoy Aquino at inirekomenda si Petrasanta bilang susunod na PNP Chief.
Sinabi ni Belmonte na mayroon siyang tiwala sa kakayahan ni Petrasanta na pamunuan ng PNP dahil matagal nya itong nakasama noong siya pa ang alkalde ng Quezon City at hepe naman ng Station 2 ng QCPD si Petrasanta.
Sinasabing si Petrasanta ang pinakamalakas sa mga pinagpipiliang maging bagong hepe ng PNP dahil dati itong isa sa mga pinagkakatiwalaang aide ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino.
By Len Aguirre