Iaanunsyo ng Department of Education (DepEd) ngayong linggo ang mapagpapasiyahang petsa kung kailan bubuksan ang School Year 2020-2021.
Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, mismong si Secretary Leoner Briones ang mag-aanunsyo nito.
Dagdag ni Malaluan, posibleng sa unang linggo naman ng Mayo nila ilalabas ang resulta ng isinasagawa nilang survey para malaman kaugnay ng paraan ng pagtuturo sa mga estudyante at eskuwelahan na nais ng nararami.
Samantala, hindi naman isinasantabi ng DepEd ang posibilidad na gumamit ng ibang pamamaraan sa pagbibigay ng mga leksyon sa mga estudyante tulad ng online, telebisyon o radyo.
Paliwanag ni Malaluan, batay na rin kasi sa pagtaya ng mga eksperto posibleng hindi pa tuluyang makontrol ang pagkalat ng COVID-19 hanggang sa susunod na taon.
Dahil aniya rito, hindi ipipilit ng DepEd ang classroom-based teaching sa ilang mga lugar lalo na kung mataas ang kaso ng virus doon.