Naubos na ang bakunang gawa ng Pfizer sa maraming lungsod sa Metro Manila matapos itong dagsain sa iba’t ibang vaccination sites.
Sa Maynila, inamin ni Dr. Lei Lacuna, councilor at pangulo ng Liga ng mga Barangay, na maraming gustong gumamit ng Pfizer vaccine kaya’t sa kauna-unahang pagkakataon ay dinumog ang isang vaccination site kung saan itinurok ang Pfizer vaccine.
Ipinabatid ni Manila Mayor Isko Moreno na nasa mahigit 1,000 ang nabakunahan ng Pfizer, 900 sa vaccination site at 186 na inilaan para sa may malubha at nakakahawang sakit.
Sa Muntinlupa, nasa 3,500 katao ang nabigyan ng first dose ng Pfizer at naitabi na rin sa storage facility ang pang-second dose ng Pfizer sa lungsod.
Samantala, naka-schedule namang iturok ang Sinovac at AstraZeneca ngayong araw na ito sa iba pang lungsod sa Metro Manila tulad ng Parañaque, Las Piñas at Makati.