Halos isang linggo bago ang filing ng Certificates Of Candidacy (COC) para sa 2022 elections, dinagsa ng mga national at local political leader ang membership ng Partido Federal ng Pilipinas o PFP kung saan inaasahang aanib din si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Ayon kay PFP Secretary-General Tom Lantion, dumami ang mga kakandidatong nais maging miyembro nang malaman nilang magkakaroon ng espasyo si Marcos sa partido bilang Chairman at Presidential bet ng PFP.
Grupo-grupo anya ang mga bagong miyembrong nag-o-oath taking na kinabibilangan ng mga kilalang pulitiko mula sa tinaguriang “solid North” hanggang Metro Manila, Visayas at Mindanao.
Ilan sa mga nanumpa sina dating Quezon City 3rd District Rep. Mat Defensor sa Annabel’s Restaurant sa Tomas Marato na pinagunahan ni lantion sa pamamagitan ng zoom.
Nag-oath taking din ang iba pang opisyal mula Valenzuela City, Cavite, Batangas, Batanes, Zamboanga at Masbate gaya ni Balud, Masbate Mayor Marilie Lim, Vice Mayor Ruben Jude; Councilors Melissa Aninang, Real Bajande, Roque Dela Cruz, Salvador Delfin Junior, Geilord Macuha, Jinky Nuevo, Serafin Sese Junior at Paulino Tacurda.
Sinaksihan ito nina Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta at Atty. Vic Rodriguez, na Executive Vice President at General Campaign Manager ng PFP at Chief of Staff ng dating Senador.
Ang PFP ang unang political party na nag-endorso sa kandidatura ni BBM o tinawag nilang “best bet mo” bilang Pangulo sa 2022 elections.
Bagaman wala pang pormal na pagtanggap mula mismo kay BBM, inihayag ni Rodriguez na tinitimbang pa ng dating mambabatas ang lahat ng posibilidad at i-a-anunsyo ang desisyon sa oras na matapos ang kanyang konsultasyon sa grassroots leaders ng bansa.—sa panulat ni Drew Nacino