Malapit nang umabot sa full capacity para sa kanilang mga pasyente ang Philippine General Hospital (PGH).
Ang PGH ay isa sa mga referral hospital para sa mga pasyenteng may kaugnayan sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa tagapagsalita ng PGH na si Jonas Del Rosario, lumagpas na sa 130-bed allocation ang bilang ng mga COVID-related patients sa kanilang ospital.
Mayroon na aniya kasi silang 160 na mga pasyenteng may kaugnayan sa COVID-19, ngunit mayroon pa naman aniya silang mga buffer beds.
Sa ngayon, nagamit na nila ang 90% ng kapasidad ng ospital at malapit nang mapuno.
Dagdag pa ni Rosario, pinag-iisipan na rin ng PGH kung paano mababawasan ang load ng kanilang mga medical frontliners dahil sa patuloy pa ring pagdami ng mga kaso ng COVID-19.