Nagkasa ng E-dalaw o electronic dalaw ang Philippine General Hospital (PGH) para maibsan ng mga pasyenteng may coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang kanilang lungkot habang lumalaban sa nasabing sakit.
Ang E-dalaw, ayon kay Melanie De Asis, Social Welfare Officer ng PGH ay paraan nila para hindi malungkot ang COVID-19 patients na walang nakakahalubilong tao at hindi rin maaaring tumanggap ng mga bisita kahit pa mga kaanak nila.
Dahil dito, nanawagan si De Asis sa mga kaanak ng mga pasyente na mag schedule ng video call na tatagal ng hanggang pat napung minuto para magkausap ang mga pasyente at kanilang mahal sa buhay.
Malaking tulong aniya sa pasyente ang suporta ng pamilya para mapangalagaan ang kanilang mental health at mapabilis ang kanilang paggaling.
Ang E-dalaw kung daan binabalutan ng plastik ang ginagamit na laptop at dini disinfect gamit ang alcohol pagkatapos ng video call ay inilunsad ni Dr. Homer Co, Coordinator for Health Operations ng PGH.