Nanawagan ang Philippine General Hospital (PGH) sa mga pasyenteng nakarecover sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na magdonate ng dugo.
Paliwanag ni PGH spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, ito ay para makuhanan ang kanilang dugo ng plasma na naglalaman ng antibodies.
Ang antibodies aniya na ito ay posibleng makatulong sa mga hindi pa gumagaling o nasa kritikal na kondisyon dahil sa COVID-19.
Ani Del Rosario, kapag nakakuha ng antibodies, ‘yun ang gagamitin ng iba na panlaban sa virus na makatutulong din para lumakas ang kanilang immune system.
Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 80 pasyente ang nakarecover sa COVID-19 sa bansa.