Higpit pang pinaigting ng Philippine General Hospital (PGH) ang mga paghahanda at requirements na kinakailangan para sa vaccine roll out ng bansa.
Kasunod na rin ito nang inaasahang pagdating sa bansa ngayong linggo ng unang batch ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines.
Una nang nagsagawa ng simulation exercises ang PGH bilang bahagi ng paghahanda nito para sa pagbabakuna ng frontliners gayundin ang malawakang vaccination roll out sa buong bansa.
Sinabi ni PGH Spokesperson Dr. Jonas Del Rosario na nagsasagawa na rin sila ng pag-aaral at patuloy ang mga dry run sa inoculation program kung saan 5,000 health workers na ang nakapagtala.
Kabilang sa apat na hakbangin ng adopted process ng simulations para sa pagbabakuna ang registration ng mga indibidwal na nais mabakunahan at kailangang mag-sign up sa kanilang programa.
Ikalawa ang screening process, counseling at pag-check sa kasalukuyang health status ng recipient tulad ng vital signs, blood pressure at body temperature.
Ikatlong hakbangin ang pagbabakuna na sa isang indibidwal kung saan ihahanda na ng pharmacists ang vials bago ito ibigay sa vaccinators na magpa-facilitate nang pagbabakuna at huling step ay pagmonitor sa recipient sa loob ng 30-minuto hanggang isang oras para makita kung may adverse effect ang bakuna.