Sinimulan nang gamitin ng Philippine General Hospital (PGH) ang mga nakuha nilang plasma mula sa dugo ng mga pasyenteng gumaling mula sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Jonas Del Rosario, spokesman ng PGH, ang binigyan ng plasma ay isang 46 at 32 anyos na nasa intensive care unit at nasa kritikal dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Inaasahan anya na ang isang pasyenteng gumaling sa COVID-19 ay nag-develop na ng antibodies laban sa COVID-19 na makikita sa plasma na bahagi ng dugo ng isang tao.
Ngayong araw na ito, inaasahan anyang makikitaan na ng pagbabago ang kalagayan ng pasyente kung epektibo ang paggamit ng plasma ng isang pasyenteng gumaling sa COVID-19.
Sa ngayon ay may 65 nang pasyente ang nagpahayag ng kahandaang mag-donate ng plasma 21 rito ang pumasa na sa screening at pito na ang nakuhanan ng dugo.
Napag-alaman kay Del Rosario na kabilang sa mga nagpahayag ng kahandaang magbigay ng plasma ang aktres na si Iza Calzado, ang mamamahayag na si Howie Severino at ilang senador.
Ayon kay Del Rosario, experimental ang ginagawa nilang paggamit ng plasma para gamutin ang COVID-19 patients subalit marami na rin anyang bansa ang gumagawa nito.