Itinaas pa ng 1003rd Infantry Brigade ang alerto sa kanilang kampo makaraang mapatay sa ambush ng New People’s Army (NPA) ang isa nilang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) at masugatan ang dalawang (2) iba pa.
Ayon kay Col. Ricardo Nepomuceno, Commander ng 1003rd Brigade, tatalima pa rin sila sa idineklarang unilateral ceasefire ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinanindigan ni Nepomuceno na hindi sila ang unang nagpaputok sa mga rebelde habang nasa liblib na lugar ng Kapalong, Davao del Norte ang kanilang tropa.
Imposible anyang mangyari ang akusasyon dahil naglalakad sa ilog ang mga sundalo at CAFGU pabalik na sana sa kanilang detachment nang paputukan sila ng NPA na nasa itaas na bahagi ng kabundukan.
Una rito, nagbabala ang Pangulong Duterte na handa niyang bawiin ang idineklarang ceasefire kapag hindi nakuntento sa paliwanag ng CPP-NPA-NDF sa naganap na ambush.
Bahagi ng pahayag ni Col. Ricardo Nepomuceno
NDFP now investigating
Samantala, iniimbestigahan na ng NDFP o National Democratic Front of the Philippines ang pananambang ng New People’s Army (NPA) sa tropa ng mga sundalo sa Kapalong Davao del Norte na ikinasawi ng isang CAFGU.
Ipinag-utos ng NDFP ang imbestigasyon makaraang humingi ng paliwanag sa kanila ang Pangulong Rodrigo Duterte at magbantang kanselahin ang idineklara niyang unilateral ceasefire.
Ayon kay Fidel Agcaoili, Spokesman ng NDFP Peace Panel, aalamin pa nila ang detalye ng pangyayari dahil batay sa kanilang impormasyon, nasa active defense mode lamang ang NPA mula pa noong July 26 makaraang i-anunsyo ng Pangulo ang ceasefire.
Tumanggi naman si Agcaoili na magbigay ng deadline ng isinasagawa nilang imbestigasyon.
Una rito, humingi ng mas mahabang panahon kay Pangulong Rodrigo Duterte si CPP NDF Founding Chairman Jose Maria Sison upang makumpleto nila ang imbestigasyon.
Tiniyak rin ng NDFP na tutuparin nila ang pangakong maupo sa peace negotiations na itinakda sa August 20 hanggang 27 sa Norway.
By Len Aguirre | Ratsada Balita