Kinumpirma ng Philippine Army na dalawang babae nga ang suicide bomber sa Jolo, Sulu kahapon, at isa sa mga ito ay Indonesian national.
Inihayag sa DWIZ ni Lt/Gen. Cirilito Sobejana, commanding general ng Philippine Army, ito aniya’y ang biyuda ng dalawang lider-teroristang sina Abu Talha na conduit ng international terrorist group na ISIS sa Pilipinas, gayundin ng kauna-unahang Pinoy suicide bomber na si Normal Lasuca.
Magugunitang Hunyo ng nakalipas na taon nang pasabugin ni Lasuca ang kaniyang sarili sa harap ng kampo militar sa Indanan, Sulu habang napatay naman si Abu Talha sa isang operasyon ng militar.
Binigyang diin pa ni Sobejana, ang dalawang babaeng suicide bomber din ang siyang minamanmanan ng apat na sundalong napatay ng mga pulis sa Jolo noong ika-29 ng Hunyo ng taong kasalukuyan.
Ito ‘yung ating mga sinubaybayan noon pa man, ito’ng dalawang female suicide bomber. Ito ‘yung mga asawa nila Norman Lasuca, ‘yung first Filipino bomber, at Abu Talha, ‘yung conduit ng ISIS international at itong Abu Sayyaf sa probinsya ng Sulu” ani Sobejana.
Sa ngayon, kinakalap pa rin ng mga awtoridad ang iba’t ibang piraso ng katawan ng mga biktima sa lugar upang malaman kung alin sa mga ito ang mula sa dalawang suicide bomber.
Kasunod nito, nananatiling kumbinsido si Sobejana na ang grupo ni Mundin Sawadjaan ang siyang nasa likod ng madugong pagsabog kahapon.
Signature po ito ng grupo nila Mundin Sawadjaan, itong mastermind ng bombing d’yan sa bayan ng Jolo. Sya’y kasama sa Abu Sayyaf group under Hatib Sawadjaan,” ani Sobejana. —sa panayam ng Ratsada Balita