Nagbanta ang China laban sa Pilipinas at Japan na huwag gumawa ng anumang tensyon sa South China Sea o West Philippine Sea (WPS) matapos na magpalipad ng surveillance plane ang Japan sa nasabing rehiyon.
Ginawa ng Beijing ang pahayag matapos na paliparin ng Japan ang kanilang military patrol plane sa himpapawid ng pinag-aagawang teritoryo sa WPS sa kasagsagan ng pagsisimula ng dalawang araw na military exercise sa pagitan ng Pilipinas at Japan na ikinagagalit ng China.
Nabatid na ang Japanese P3-C Orion surveillance plane na may 3 Pinoy guest crew members ay lumipad sa himpapawid sa may Reed Bank, isang lugar sa WPS na kapwa inaangkin ng Pilipinas at China.
Isa rin mas maliit na patrol aircraft ng Pilipinas ang kasama ng nasabing surveillance plane na nagpaikot-ikot sa nasabing lugar.
PH at Japan drill
Sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea, magkasamang lumipad ang mga sundalo ng Pilipinas at Japan sakay ng surveillance plane sa mga isla sa kanlurang bahagi ng Palawan malapit sa Spratly Islands.
Agad namang nilinaw ni Commander Lued Lincuna, tagapagsalita ng Philippine Navy, na wala itong kinalaman sa territorial dispute na kapwa kinakaharap ng Pilipinas at Japan sa China.
Binalaan ng China ang dalawang bansa na huwag nang paigtingin ang tensyon sa West Philippine Sea.
Inakusahan ng China ang Japan ng pakikialam sa territorial dispute nito sa Pilipinas at kinondena ang patuloy na joint naval exercise ng dalawang bansa na nakatuon sa pagpapahusay ng search and rescue operations.
By Mariboy Ysibido | Meann Tanbio