Nagkasundo na ang Pilipinas at Japan para sa rehabilitasyon at maintenance ng Metro Rail Transit (MRT) na nakararanas ng mga disruption na umaabot na sa limangdaan (500) simula pa lamang noong isang taon.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Railways TJ Batan, nangako ang Japan na ipagpapatuloy nito ang Official Development Assistance o ODA para sa rehabilitation at maintenance ng MRT sa pamamagitan ng isang loan agreement.
Popondohan aniya ito sa pamamagitan ng special terms for economic partnership sa ilalim ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Kabilang sa terms and conditions ang 0.1% per annum, 40 years payment period, at 12 years grace period para sa principal.
Pumayag din ang Japan na magsagawa ang JICA ng feasibility study simula ngayong buwan hanggang Pebrero na susundan ng paglagda sa loan agreement at procurement ng rehabilitation and maintenance provider sa Marso hanggang Abril.