Kinuwestiyon ng ilang senador kung talagang kaibigan ng bansa ang China matapos ang insidente sa West Philippine Sea kung saan sumalpok at pinalubog ng isang Chinese vessel sa isang bangkang pangisda ng mga Pilipino.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, hindi ginagawa sa isang kaibigan ang ginawang pag-abandona ng China sa mga Pilinong mangingisdang kanilang binangga.
Kailangan aniya ng isang matindi at seryosong aksyon mula sa Chinese government laban sa mga Chinese crew na sangkot sa insidente.
Tinawag namang matinding bullying ni Senator JV Ejercito ang ginawa ng China.
Samantala, ikinokonsidera ni Senator Joel Villanueva na malaking insulto sa mga Pilipino ang ginawa ng Chinese vessel kung saan pinabayaan lamang nito ang mga Pilipinong mangingisda.
Nanawagan naman si Senator Chiz Escudero ng malalimang imbestigasyon para mapanagot ang kapitan at crew ng naturang Chinese vessel.