Muling magpapatrolya ang Philippine Coast Guard sa lagoon ng Panatag Shoal matapos na i-pull out noong bagyong Lawin.
Kasunod ito ng panibagong development sa naturang teritoryo kung saan hindi na hina-harass at pinapayagan nang mangisda ang mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal.
Ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, naroon lamang ang kanilang mga tauhan ngunit hindi lumalapit upang hindi na pagmulan ng tension.
Sa muling pagpapatrolya ng PCG ngayong araw ay makukumpirma na kung talagang malaya nang nakakapasok ang mga mangingisdang Pinoy sa nasabing teritoryo.
Coral reefs
Samantala, matindi ang tinamong pinsala ng mga coral reef sa Panatag Shoal sa nakalipas na apat na taon na binakuran ito ng China.
Ito ang lumalabas sa mga nakuhang satellite image ng Asian Maritime Transparency Initiative (AMTI).
Makikita ang malalim na mga hukay na nagmula sa pagtungkab o pagkuha ng mga Chinese fishermen sa coral reef at taklobo o giant clamp na matatagpuan sa Panatag Shoal.
Permanente na at wala nang paraan para maibabalik sa dati ang nasirang yamang dagat sa naturang dako.
Makikita rin sa latest image na kuha sa Scarborough Shoal na bagamat nakakapangisda nang muli ang mga Pilipino sa naturang teritoryo ay hindi naman nawawala sa bunganga ng lagoon nito ang isang barko ng Chinese Coast Guard habang ang isa pa ay nakabantay naman sa labas na bahagi.
By Rianne Briones