Handa nang sumalang mamaya ang delegasyon ng bansa sa United Nations Human Rights Council o UNHRC sa Geneva, Switzerland.
Pangungunahan ni Senador Allan Peter Cayetano ang pagdepensa sa human rights records ng Pilipinas sa UN.
Bahagi ito ng periodic review na isinasagawa ng UNHRC sa kalagayan ng pangangalaga ng karapatang pantao sa isang bansa.
Tatalakayin ng grupo ni Cayetano ang human rights records ng Pilpinas mula sa huling apat (4) na taon ng panunungkulan ni dating Pangulong Noynoy Aquino hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakatakda ring idepensa ng delegasyon ang giyera kontra droga ng Duterte administration .
Maliban sa ‘war on drugs’, inaasahang bubusisiin ng UN ang kalagayan ng mga kulungan sa bansa, estado ng paglilitis sa Korte, Maguindanao massacre at kapakanan ng mga mamamahayag.
De Lima to PH Delegation: “Goodluck at Hindi Sana Kainin Ng Buhay”
Nagpaabot ng mensahe si Senador Leila De Lima sa Philippine Delegation na haharap sa United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland.
“Goodluck at Hindi Sana Kainin Ng Buhay” ang tanging pabaong mensahe ni De Lima kay Senador Alan Peter Cayetano sa kanyang pagharap bilang pinuno ng delegasyon sa universal periodic review ng Human Rights Council.
Ayon kay De Lima, niloloko lamang ng delegasyon ang kanilang sarili sa paniniwalang ang mga kinatawan ng iba’t ibang bansa sa periodic review ay katulad ng mga panatiko ng Palasyo na madaling malinlang.
Nagkakamali anya sina Cayetano kung inaakala nilang maitatago nila ang record ng Duterte administration hinggil sa extra-judicial killings o EJK’s at iba pang pang-aabuso sa karapatang pantao.
Ipina-alala naman ni De Lima sa kapwa senador na hindi bayarang trolls sa social media o sipsip sa Duterte administration ang kanilang mga makakaharap sa halip ay pawang may sariling isip.
By Len Aguirre / Drew Nacino |With Report from Cely Bueno